Sunday, March 10, 2013

Karmic Reaction

Sinarado ang kanang kamay ng may diin habang hinawakan ng kaliwang kamay sa ibabaw. Umaga nanaman at di pa rin nagbabago ang almusal ni Ben. Nilanghap ang malamig na hamog, uminom ng kape, at nagpausok gamit ang sigarilyo. Di pa umaangat ang araw, pero napakahaba ng ng araw sa kanyang pakiramdam. Naglakad kaunti't niramdam ang lupa gamit ang kanyang paa.

Nanginginig ang kanyang kalamnan. Gusto niyang uminom ng alak, ngunit ito ay may panatang pinanghahawakan. Limang taon na siyang di umiinom, at kayang kaya naman niya, ngunit ngayon ay gusto niyang malunod sa alak. Di na rin ito kumakain ng karne, dahil gusto pangalagaan ang katawan. Limang taon na rin siyang tumigil manigarilyo, ngunit ngayo'y bumigay.

"Hare Krishna Hare Krishna," dahan dahan sinambit. Nakaramdam siya ng luwang sa kanyang dibdib, ngunit ang lungkot at puot ang tanging kumakain sa kanyang isipan. Makadiyos at laging nagdadasal. Kinalimutan ang bisyo at pambababae, upang maging bagong tao. Lahat ng magagawa para sa mata Niya ay ginawa, ngunit bakit ganoon na lang. Aral siya sa relihiyon, ngunit di maisagawa ang alam.

Tinamaan siya ng ilaw mula sa sumisilip na araw, at dahan-dahang tumulo ang kanyang luha. Walang galit sa Panginoon, at di nagtatanong kung bakit. Karma daw talaga iyon, kung di man ngayong buhay, nung nakaraan, ngunit para sa kanya ay masakit pa rin, kahit alam niya lahat ng iyon. Naglakad patungo sa pinto't at nakita ang anak na nakaupo sa sofa. Mugto ang mata.

"Kelan babalik si Mommy, Dad?" Mahinang usisa nito sa ama. Nanginginig ang boses sa lungkot.
"Di ko alam, but there's no use crying over spilled milk. We should man up." Sagot ni Ben, na tinatago ang kalungkutan.
"I understand, Dad, pero di naman kasi gatas yung nawala."

Natahimik si Ben, at nangatal. Bakit nga ba? Kung kailan nagpakabait siya, saka siya iniwan ng kanyang asawa.